Kinumpirma ng PNP na isinilbi na ng PNP CIDG ang warrant of arrest laban kay dating Sen. Antonio Trillanes sa kasong sedisyon.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen Bernard Banac, kinumpirma ng mga pulis na nagtungo sa address ni Trillanes na wala sa bansa ang senador.
Wala naman aniya silang nakikitang dahilan para magtago ang dating senador dahil bailable naman ang kaso, kaya hihintayin nalang nilang makabalik si Trillanes.
Iniulat din ni Banac na apat sa 10 iba pang kasamang akusado ni Trillanes ang nakapagpiyansa na.
Samantala, sinabi ni Banac na pinaghahanap na nila ngayon si Joemer Advincula alyas bikoy at ang lima pang kasama nitong akusado na may outstanding warrants.
Nanawagan si Banac sa mga ito na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.
Bukod kay Trillanes, sina Advincula o Bikoy, dating police official Eduardo Acierto, Fr. Albert Alejo, Jonnel Sangalang, Yolanda Villuaneva Ong, Fr. Flaviano Villanueva, Vicente Romano III, Joel Saracho, Boom Enriquez, ay kinasuhan ng sedisyon dahil sa kanilang umanong pagkakasangkot sa tangkang destabilisasyon sa administrasyon.