Namayani nang husto sina TJ Warren na tumipa ng 35 points, at Malcolm Brogdon na kumamada ng 17 points at naduplikang career-high na 13 assists upang buhatin ang Indiana Pacers tungo sa 118-111 panalo kontra sa dati nitong team na Milwaukee Bucks.
Sinupalpal ni Brogdon ang pagtatangkang makabangon ng Bucks sa fourth quarter tampok ang ibinuhos nitong 10 points, limang assists, at apat na free throws sa naturang yugto.
Napigilan din ng Indiana ang pagtapyas ng Milwaukee sa 25-point first half deficit sa pamamagitan ng back-to-back baskets ni Brogdon.
Sa panalong ito tinapos din ng Pacers ang kanilang season-worst na six-game losing streak, maging ang five-game home skid at four-game slide sa serye kontra Milwaukee.
Binalikat naman ni Donte DiVincenzo ang Bucks makaraang humakot ng 19 points.
Ito naman ang ikalawang pagkakataon na hindi nakapaglaro si league MVP Giannis Antetokounmpo matapos isilang ang kanyang panganay na anak.