Walang humpay na atake at mainit na shooting performance ng Golden State Warriors ang muling sumira sa diskarte ng Cleveland Cavaliers para tambakan muli sa score na 132-113 sa Game 2 ng NBA Finals.
Tulad sa Game 1 muling nanguna sa opensa ng Warriors ang dating dalawang MVP na sina Kevin Durant at Stephen Curry.
Sa first quarter pa lamang agad nang itinodo ng Warriors ang kalamangan at hindi na binitawan hanggang sa matapos ang laro para umabanse sa 2-0 sa best-of-seven series.
Nagtala ng double double figures si Durant na may 33 points, 13 rebounds at limang block shots, habang si Curry ay hindi rin nagpahuli sa kanyang triple double performance sa pamamagitan ng 32 points, 11 assists at 10 rebounds.
Sa panig ng defending champion na Cavs, nasayang ang triple double performance ng NBA superstar na si LeBron James na may 29 points, 11 rebounds at 14 assists na napantayan na ang dating record ng basketball legend na si Magic Johnson na may walong triple doubles sa Finals.
Samantala ang head coach ng Warriors na si Steve Kerr ay bumalik na rin matapos mawala sa ilang games dahil sa iniindang sakit sa kanyang operasyon noon.
Ayon sa coach, malayo pang matapos ang serye at hindi pa dapat sila magsaya at magpakampante.
Ipinaalala pa ni Kerr na noong nakaraang taon sa NBA Finals ay agad din silang umabanse sa 2-0 lead sa serye pero sa huli nasilat sila at ang Cavs pa ang nagkampeon.
Ang Game 3 ay gagawin na sa homecourt ng Cavs sa Huwebes, June 8.