-- Advertisements --

Nahanap na ng Cleveland Cavaliers ang kanilang magiging susunod na coach kasunod ng biglaang pagtanggal kay dating head coach J.B. Bickerstaff matapos matalo ang koponan sa nakalipas na Eastern Conference semifinals.

Nakatakda kasing kunin ng Cavs si Golden State Warriors asst. coach Kenny Atkinson.

Si Atkinson ay unang nagsilbing bilang head coach ng Brooklyn Nets mula 2016 hanggang 2020 at lumipat sa Los Angeles Clippers bilang asst coach noong 2020-2021. Noong 2021-2022 ay lumipat siya sa Warriors hanggang sa nagawa ng koponan na maiuwi ang kampeonato.

Sa kasalukuyan ay isinasapinal pa lamang ang magiging kontrata ni Atkinson at hindi pa malinaw kung magkano at kung ilang taon ang alok na kontrata.

Para naman sa Cavs, inasahang pangungunahan ni Atkinson ang rehabilitasyon sa buong team, kasunod ng nakakadismaya nilang performance sa nakalipas na Eastern Conference Semis.

Tinalo kasi ng 2024 champion Boston Celtics ang Cavs sa naturang laban habang iniinda nina Cavs star Donovan Mitchell at Jarrett Allen ang kani-kanilang injury.