-- Advertisements --

Tumipa ng 27 points si Klay Thompson, kabilang na ang krusyal na layup sa huling 4.1 segundo, upang mamayani sa 104-99 paglusot ng Golden State Warriors sa Houston Rockets para sa 3-2 abante sa Western Conference semifinals.

Hindi nagpatinag ang Warriors kahit nagtamo ng right calf strain si Kevin Durant, dahilan para umalis ito sa huling bahagi ng third quarter.

Natamo ni Durant, na naglista ng 22 points at limang rebounds, ang kanyang injury nang mamali ito ng bagsak matapos magpakawala ng isang baseline jumper.

Sa kasalukuyan ay wala pang katiyakan kung makakabalik si Durant para sa Game 6.

Bagama’t hirap naman sa kanyang tira, nagtapos na may 25 points si Stephen Curry sa kanyang 9-for-23 shooting, at 3 of 11 mula sa downtown.

Sa kabilang dako, tumabo ng 31 points si James Harden para sa Rockets, na susubukang isalba ang kanilang sarili mula sa elimination sa kanilang baluwarte sa Sabado.