Tinambakan ng defending champion na Golden State Warriors ang Sacramento Kings, 122-94.
Sa ngayon meron ng isang panalo at isang talo ang Warriors sa preseason games ng NBA, samantalang ito na ang ikalawang talo ng Sacramento.
Dinala ni Klay Thompson ang Warriors sa pamamagitan ng kanyang 30 points, 4 rebounds at 3 assists sa kanyang all around game.
Sa panig ng Kings, top performer naman si Frank Mason III na may 10 points at 7 assists.
Samantala, mistulang rockstar ang pagsalubong ng mga fans kay Kevin Durant sa kanyang pagpasok pa lamang sa KeyArena.
Ang 30-anyos na superstar ay dating rookie ng Seattle Supersonics ng 2007 noong hindi pa ito binuwag.
Lalong dumagundong ang arena nang ianunsyo ang starting lineup kung saan ang two-time NBA Finals MVP ay nagsuot pa ng Shawn Kemp Sonics jersey.
Bago pa man ang exhibition game, isinusulong na ni Durant at coach Steve Kerr na sana makabuo muli ng team ang Seattle.
Nagmistula ring selebrasyon ang game para sa mga Seattle fans dahil sa paglutang ng mga lumang Sonics jerseys na dinagdagan pa ng presensiya ng kanilang mga legends na sina NBA Hall of Famers Bill Russell, Gary Payton at Lenny Wilkens.
Nagtapos si Durant ng 26 points, 6 rebounds at 7 steals.