Minaliit lamang ni Golden State Warriors star Klay Thompson ang pahayag ng ilang mga observers na hindi na raw babalik sa dating sigla ang kanilang team.
Kasunod na rin ito ng nangyaring pagbabago sa kanilang team kung saan maliban sa ilang nadagdag ay nawala rin sa kanilang poder ang ilan sa mga beterano gaya nina Andre Iguodala at Shaun Livingston.
Ayon kay Thompson, mali umanong isipin na tapos na raw ang kanilang dynasty dahil hindi naman umalis sa koponan si two-time MVP Stephen Curry at Draymond Green.
Katwiran ni Thompson, hindi pa raw nawawala ang kanilang chemistry at pundasyon kaya makakaya pa nilang ipagpatuloy ang maganda nilang nasimulan.
“And to say the dynasty is over I think is a little ignorant, ’cause I think I’m going to come back 100 percent — I think I’m going to come back even better and more athletic. And it would not be smart to count the Dubs out. That’s all I tell people, especially with the chemistry we still have and our foundation still being there, I think we have the ability to continue this run,” wika ni Thompson.
Inaasahan din ni Thompson na magiging malaking tulong sa kanilang team ang bagong saltang si D’Angelo Russell na nakuha nila mula sa Brooklyn Nets.
Tiniyak din ng All-Star guard na magiging mas magaling at mas athletic ito sa kanyang pagbabalik.
Sa kasalukuyan kasi ay nagpapagaling pa si Thompson mula sa dinanas nitong ACL injury noong kasagsagan ng NBA Finals.