DENVER – Lumasap nang matinding pagkapahiya ang Golden State Warriors nang hindi sila umubra sa palitan ng three pointers laban sa Denver Nuggets.
Umabot sa 24 na three pointers ang naipasok lahat ng Nuggets para tambakan ang Warriors sa score na 132-110.
Dahil sa init ng mga kamay ng Nuggets napantayan nila ang 3-point record na naitala ng Houston Rockets noong Disyembre laban naman sa New Orleans.
Naibuslo ng Denver ang 24 na threee pointers mula sa 40 attempts sa three point area upang gulatin ang Warriors na meron lamang walo sa kabuuang 32 na pagtatangka.
Maging ang dating MVP na si Stephen Curry ay inalat din na tanging may isang three pointer na naipasok mula sa 11 niyang attempts.
Umeksena ng husto si Nikola Jokic sa Nuggets para sa kanyang second career triple-double sa pamamagitan ng 21 rebounds, 12 assists at 17 points.
Hindi rin nagpahuli ang rookie na si Juancho Hernangomez na kumamada ng season-high na 27 points, kabilang ang tatlong 3-pointers.
Si Will Barton ay tumulong din sa 24 points at si Jameer Nelson ay may 23.
Nanguna naman si Kevin Durant sa Golden State na may 25 points.
Minalas pa ang Golden State na walang pantapat sa init ng karibal na team lalo’t bigong maglaro ang guards na si Klay Thompson (sore right heel) at Shaun Livingston na umuwi muna dahil sa isinilang ang kanyang babaeng anak.
Out naman sa game dahil sa injuries sina Zaza Pachulia (strained rotator cuff) at David West (left thumb).
Pero kung tutuusin kulang din sa tao ang Denver dahil hindi rin naglaro sina Danilo Gallinari (strained groin), Kenneth Faried (ankle), Darrell Arthur (knee), gayundin si Emmanuel Mudiay (back) at Wilson Chandler (illness).
Sa next game ng Warriors, tatangkaing makaganti sa Huwebes laban sa Kings na tumalo naman sa kanila sa overtime noong February 4.