-- Advertisements --
WARRIORS DURANT

Aminado ang Golden State Warriors na hindi nila tiyak kung makakapaglaro pa ba si Kevin Durant sa nalalabing bahagi ng serye nila ng Portland Trail Blazers sa Western Conference Finals dahil sa natamo nitong right calf strain.

Hindi pa kasi pinayagan ng mga doktor si Durant para sa on-court work matapos itong sumailalim sa re-evaluation nitong Huwebes (Biyernes, Manila time).

Ayon kay Warriors coach Steve Kerr, hindi raw nila akalaing ganito kalala ang natamong injury ni Durant.

“Hopefully he continues to progress, and he has made progress, but it’s a little more serious than we thought at the very beginning,” wika ni Kerr.

“So we’ll see where it all goes, but he’s in there all day long getting treatment. He’s done a great job of committing himself to that process,” dagdag nito.

Una nang sinabi ni Warriors president of basketball operations Bob Myers na hindi makakasama si Durant sa biyahe ng koponan sa Portland, Oregon para sa Games 3 at 4.

Bagama’t babalik sa Oakland ang Game 5 sa susunod na linggo, hindi pa rin daw sila sigurado kung maayos na ang kondisyon ni Durant sa panahong yaon.

Umaasa naman ang mga teammates ni Durant na makakapaglaro na itong muli sa lalong madaling panahon, handa rin naman daw sila sakaling hindi pa ito makabalik.

Matatandaang natamo ni Durant ang injury sa third quarter ng Game 5 win ng Warriors kontra sa Houston rockets sa conference semifinals.