Umaasa ang Golden State Warriors na magagamit nila ang home court advantage sa unang round ng kanilang playoff series kontra sa Los Angeles Clippers sa Oracle Arena.
Ayon kay Warriors coach Steve Kerr, bagama’t paborable sa kanila ang sitwasyon, hindi raw nila puwedeng isawalang-bahala na lamang ang bantang hatid ng Clippers.
“It is a good matchup geographically, but it is a hell of an opponent,” wika ni Kerr.
Sinabi naman ni forward Klay Thompson, ito na raw ang panahong kanilang inaabangan at alam din daw nila kung ano ang nakataya rito.
Batid umano ng Golden State na dapat nilang maabot ang kanilang target na three-peat lalo pa’t nalalapit na ang free agency nina Thompson at Kevin Durant sa darating na summer.
Bubuksan ng back-to-back NBA champions ang kanilang kampanya sa playoffs sa araw ng Linggo, oras sa Pilipinas.
Ito rin ang kanilang ikapitong sunod na playoff appearance kung saan nadagit nila ang tatlong NBA titles sa huling apat na season.