-- Advertisements --

Hindi muna masisilayan sa loob ng dalawang linggo si Golden State Warriors guard D’Angelo Russell dahil sa natamo nitong sprain sa kanyang kanang hinlalaki.

Sa anunsyo ng Warriors, nakumpirma ang sprain nang sumailalim sa MRI ang kanang hinlalaki ni Russel makaraang matalo sila sa Boston Celtics.

Hindi rin sasama si Russell sa nalalapit na four-game road trip ng Warriors, at sasalang sa reevaluation matapos ang dalawang linggo.

Ang injury ni Russell ay lalong nagpahaba sa listahan ng mga players ng Warriors na may iniinda ring mga problema sa kanilang kalusugan.

Matatandaang nabali ang kaliwang kamay ni Stephen Curry noong nakaraang buwan, dahilan para kailanganin muna nitong magpahinga ng tatlong buwan.

Patuloy naman ang rehab ni All-Star swingman Klay Thompson dahil sa napunit nitong ACL sa kanyang kaliwang tuhod.

Dahil naman sa nerve condition, “no show” sa mga laro ng Golden State si Kevon Looney buhat nang maglaro ito ng 10 minuto sa kanilang season opener kontra LA Clippers.