Umaasa si Golden State Warriors head coach Steve Kerr na magtutuloy-tuloy ang magandang performance ng kanilang nagbabalik na center na si DeMarcus Cousins.
Labis ang papuri kay Cousins nang magpakitang gilas ito at magtala ng double-double na may 11 points, 10 rebounds, at walong assists sa halos 28 minutes na paglalaro na malaking tulong upang itabla ng defending champion sa Toronto Raptors ang serye sa tig-isang panalo, 109-104.
Ayon kay Kerr, kailangan nila sa Game 3 sa Huwebes ang presensiya ni Cousins, lalo na ang rebounding skills at pangharang sa Raptors upang magtuloy-tuloy ang kanilang abanse.
Ang panalo ng Warriors ay matapos na manguna sa opensa sina Klay Thompson na may 25 points at si Stephen Curry na nagdagdag ng 23 points at manakaw ang isang panalo sa teritoryo ng Raptors sa harap ng 19,800 mga fans..
Noong una sa first half ay inalat sa kanyang mga tira ang dating two-time MVP na si Curry.
Sinasabing naging susi rin sa panalo ng Warriors ang 18-0 rally ng team pagsapit ng third quarter.
Tinangka pang humabol ng Raptors sa 4th quarter gamit ang kanilang 10-0 run pero kinapos na sa huling sandali.
Nasayang naman ang 34 points at 14 rebounds na naitala ni Kawhi Leonard para sa Toronto.
Si Fred VanVleet naman ay may 17 points at si Pascal Siakam ay meron lamang 12 points.
Nagawang mabantayan ng husto ng Warriors ang mga galaw ni Siakam dahil sa Game 1 ay nagpakita ito ng matinding diskarte na umabot sa 32 points ang kanyang naiposte.
Si Kyle Lowry ay nakapag-ambag naman ng 13 na puntos.
Samantala, marami namang fans ang nabahala nang mabalitaang may leg injury si Thompson na inalis sa game sa crucial fourth quarter.
Umiika-ika kasi ito at dumiretso kaagad sa locker room ng team.
Pero tiniyak ng Warriors coach na makakalaro pa rin sa Game 3 si Thompson, gayundin ang isa pa nilang superstar na si Kevin Durant.
Sinasabing ang dalawang tinaguriang “Splash Brothers” ay sasailalim din bukas sa MRI sa kanilang pagbabalik sa Oakland para matiyak na nasa kondisyon para sa next game.
“It was a great win,” ani coach Kerr. “We got to go home and protect our home floor and we’ll see about all the injuries.”
Samantala, bahagi rin sa sidelights sa makapigil hininga na drama ng NBA Finals ay ang panonood nang personal ni US President Barack Obama.
Sa ginanap na laro sa Scotiabank Arena sa Canada, agaw pansin si Obama.
Kung maaalala si Obama ay masugid ding basketball fan at malapit na kaibigan ng presidente ng Toronto Raptors na si Masai Ujir.
Kaibigan din ni Obama si Curry kung saan noong panahon niya ay inimbitahan pa sa White House pero noong magkampeon muli ang Warriors ay hindi na sinipot ni Curry at ng team ang imbitasyon ni US President Donald Trump.
Sa break sa first half ng laro ay nagsigawan ang mga fans sa arena gayundin ang salitang MVP! MVP para bigyan ng standing obation si Obama.
Nagkita rin sina Obama at ang global ambassador ng Raptors, ang kontrobersiyal na singer na si Drake kung saan nagyakapan ang dalawa at maikling nagkumustahan.