Nasungkit ng Golden State Warriors ang kanilang ikalimang sunod na titulo sa Pacific Division matapos ang kanilang 137-90 paglampaso sa Charlotte Hornets.
Nagpakawala ng 25 points si Stephen Curry, kasama na ang kanyang limang 3-pointers, upang maibigay ng Warriors sa Hornets ang kanilang pinakamasaklap na pagkatalo ngayong season.
Umamalay sa kanya ang kanyang “Splash Brother” na si Klay Thompson na nagtapos na may 24 points, tampok ang anim na 3s.
Nag-ambag din ng 11 points at siyam na assists si Kevin Durant.
Sumandal naman ang Hornets kay Willy Hernangomez na umiskor ng 22 points kung saan 14 rito ay nagmula sa free throws.
Ang leading scorer ng Charlotte na si Kemba Walker ay nalimitahan lamang sa siyam na puntos para sa kanyang ikatlong laro ngayong season na hindi nakapagtala ng double figures.