-- Advertisements --

OAKLAND, California – Muling pinahiya ng Boston Celtics ang Golden State Warriors sa sarili nitong teritoryo, 99-86.

Noong nakaraang taon ng buwan ng Abril, ang Celtics din ang nagpatigil sa record na 54-game home winning streak ng Warriors.

At ngayon sa pagbabalik ng Golden State sa Oracle Arena makalipas ang halos tatlong linggo, muli silang nasilat ng Boston.

Nanguna sina Isaiah Thomas na may 25 points at si Kelly Olynyk na nagdagdag ng 17 points, five rebounds at five assists mula sa bench upang samantalahin ang “sloppy game” ng dating two-time NBA champions.

Ang tinaguriang Splash Brothers na sina Stephen Curry at Klay Thompson ay minalas din.

Umabot lamang sa apat ang kanilang naipasok mula sa 17 pagtatangka sa 3-point areas.

Sa kabuuan meron lamang ang Golden State ng anim na naipasok sa 30 attempts sa long range.

Sinasabing ramdam pa rin ng Warriors ang kawalan ng presensiya ng injured superstar na si Kevin Durant.

Nagpakita si Durant na may brace sa kanyang kaliwang paa at bitbit ang crutches.

Si Curry ay nagtapos sa 23 points, five rebounds at six assists, habang si Thompson ay nagdagdag ng 25 points.

Pinutol ng Celtics (41-24) ang 10-game home winning streak ng Warriors (52-12).

Ito rin ang unang talo ng Warriors sa kanilang teritoryo laban sa karibal mula sa Eastern Conference ngayong season o panglima na sa kanilang 26 na matchups.