Tuluyang tinuldukan ng Golden State Warriors ang kanilang 10-game home losing streak matapos na pataubin ang Philadelphia 76ers, 118-114.
Sumandal kay Eric Paschall na kumana ng 23 points ang Warriors, na sumabak muli kahit na hindi naglaro si Stephen Curry makaraang ma-diagnose ito na may seasonal flu.
Naghabol sa halos kabuuan ng laro ang Warriors, at baon pa sa walo sa pagpasok ng fourth quarter.
Ngunit inilagay ng three-point play ni Damion Lee ang Golden State sa unahan 113-111.
Tumugon ng go-ahead 3-pointer si Tobias Harris, ngunit pinatawan ito kng three-second violation sa sunod na possession ng Philadelhia kasunod ng nagmintis na tres ni Lee.
Makaraang ipasok ni Paschall ang dalawa nitong free throws, pumalya ang tatlong magkakasunod na tira ng Sixers, kasama na ang 32-foot jumper ni Shake Milton.
Nagtapos na may 24 points at anim na rebounds si Lee para tulungan ang Warriors na makaiwas sa pagwalis ng Sixers sa season series.
Nagdagdag ng 13 points, 10 rebounds at walong assists si Marquese Chriss.
Kumamada naman ng 24 points si Harris, at si Al Horford na tumabo ng 22 points at 10 rebounds para sa Philadelphia.