-- Advertisements --
curry
Stephen Curry/ Photo courtesy of NBA

Mistulang dadaan pa sa butas ng karayom ang Toronto Raptors bago nila maabot kung sakali ang inaasam-asam nilang kampeonato sa NBA Finals.

Ito’y matapos na puwersahin ng Golden State Warriors ang championship series sa Game 6 nang biguin nila ang Raptors ngayong Game 5, 106-105.

Humabol ang Golden State mula sa six-point deficit sa huling tatlong minuto upang itala nila ang kanilang ikalawang panalo sa serye.

Kasalukuyang abanse pa rin ang Raptors sa 3-2.

Nagbuhos ng 31 points si Stephen Curry para sa Warriors, kabilang na ang pinakawalan nitong limang 3-pointers.

Si Curry rin ang ikaanim na player mula noong 1976-77 na nagtala ng 10 career 30-point games sa NBA Finals.

Kasama ni Curry sa listahan sina Michael Jordan (23); LeBron James (20); Shaquille O’Neal (16); Kobe Bryant (13) at Kareem Abdul-Jabbar (10)

Hindi rin nagpahuli ang kanyang “Splash Brother” na si Klay Thompson na umiskor ng 26 points, tampok ang pitong tres.

Bagama’t hindi naman na nakabalik sa laro dahil sa injury sa kanang binti, nagpasok ng 11 points ang nagbabalik na si Kevin Durant.

Ito ang unang beses na naglaro si Durant buhat nang dumanas ng calf injury noong Western Conference semifinals kontra sa Houston Rockets.

Nakatakda namang sumailalim sa MRI si Durant upang suriin nang husto ang natamo nitong injury.

Maliban sa two-time NBA Finals MVP, lumala rin ang nararanasang collarbone injury ni Kevon Looney kaya hindi na rin ito nakabalik sa court.

Humataw naman ngayon si big man DeMarcus Cousins na kumamada ng 14 points, at si Draymond Green na nagtapos na may 10 points, 10 rebounds at walong assists.

Dahil dito, may tsansa ang two-time defending champions na itabla na ang kanilang serye ng Raptors kung saan ddalhing muli sa Oracle Arena ang Game 6 na gaganapin sa araw ng Biyernes.

Sa panig ng Toronto, tumabo naman ng 26 points si Kawhi Leonard, habang may 18 points naman si Kyle Lowry.