Kasunod ng dalawang magkasunod na nakakadismayang laro ngayong lingo, balik na sa winning column ang 2022 NBA champion Golden State Warriors matapos nitong patumbahin ang Detroit Pistons.
Maalalang magkasunod na natalo ang Wariors sa naging laban nito sa Sacramento Kings at Miami Heat kung saan kapwa tinambakan ng dalawang nabanggit na team ang Golden State.
Sa naging laban ng Warriors at Pistons ngayong araw, nagawa ng GS na pigilan ang comeback attempt ng Pistons sa huling quarter at ipinoste ang tatlong puntos na panalo, dalawa rito ay mula sa huling free throw ni Stephen Curry.
Ang panalo ng Warriors ay sa kabila pa ng mistulang off-night ng NBA superstar na si Stephen Curry.
Tinangka kasi ni Curry na magpakawala ng 21 shots ngunit lima lamang ang nagawa niyang maipasok. Mula sa 21 shots, 14 dito ay pawang mga 3-pointer at dalawang lamang dito ang kaniyang naipasok.
Wala ring player ng GS ang nakapagpasok ng 20 points o mas mataas pa. Sa kabuuan ng laban, umabot lamang sa 17 points ang nagawa ni Curry habang kumamada rin ito ng sampung rebounds. Muli ring gumawa ng double-double performance ang sophomore na si Trayce jackson-Davis: 14 pts, 10 rebs.
Sa panig ng Detroit, nanguna si Cade Cunningham na gumawa ng 32 points sa kabuuan ng laban habang 21 points naman ang naging ambag ng guard na si Malik Beasley.
Ang panalo ng Warriors ay ang ika-19 na panalo nito ngayong season habang lumubo na sa 18 ang nalasap na pagkatalo.
Hawak naman ng Pistons ang 19 – 19 win-loss record.