Patuloy pa rin ang pamamayagpag ng Golden State Warriors bilang top team ngayon sa NBA na meron ng 13 panalo at dalawa pa lamang ang talo.
Ito ay makaraang panibagong mabiktima nila ang Cleveland Cavaliers sa score na 104-89.
Hindi rin nagpaawat ang dating two-time MVP na si Stephen Curry na nagbuhos na naman ng 40 points na walang pantapat ang Cavs.
Sa tindi ng init ng kamay ni Curry, sa fourth quarter lamang ay 20 puntos na ang kanyang nagawa at naipasok pa ang tatlong 3-pointers.
Sa ngayon ang scoring average ni Curry ay nasa 29.5 per game.
Para kay Warriors coach Steve Kerr, ang ipinapakitang laro raw ni Curry ay talagang maituturing na isa na ito sa “greatest players in NBA history,” at maihahanay din bilang “greatest 3-point shooter of all-time.”
Sa panig ng Cavs na ilang players pa rin ang hindi nakakalaro dahil sa injury ay nanguna sa puntos si Darius Garland na may season-high na 25 points para bumagsak ang team sa 9-8 record.