Balik na muli sa NBA Finals ang Golden State Warriors matapos na talunin kanina sa Game 5 ng Western Conference finals ang Dallas Mavericks sa score na 120-110.
Tinapos ng Warriors ang best-of-seven series sa 4-1 record.
Makakaharap ng Warriors sa Finals ang magwawagi naman sa pagitan ng Boston Celtics at Miami Heat.
Ang Finals ay magsisimula sa June 3.
Samantala sa laro kanina hindi nagpaawat si Klay Thompson nang magbuhos siya ng 32 points.
Malaking tulong din ang ginawa para sa Warriors nina Andrew Wiggins na may 18 points at 10 rebounds, Draymond Green na nagdagdag ng 17 points at si Stephen Curry na nagpakita ng 15 points at nine assists.
Sa kampo ng Mavs nasayang ang diskarte ng kanilang superstar na si Luka Doncic na nagtapos sa 28 puntos.
Dahil sa pamamayani sa serye tinanghal na kampeon sa Western Conference ang tinaguriang Dubs, habang ang veteran at two-time NBA MVP na si Curry ay muling tutuntong para sa kanyang ika-apat na NBA championship.
Napili rin Curry bilang conference MVP para maibulsa ang unang Magic Johnson trophy.
Si Klay naman ay inabot ng dalawang seasons na hindi nakalaro dahil sa tinamong matinding injury.
Kung maalala huling nagkampeon sa NBA ang Warriors noong taong 2018.
Pero sa huling walong seasons ng NBA, anim na beses na silang umabot sa Finals.