-- Advertisements --

OKLAHOMA CITY – Nauwi sa murahan, balyahan at matinding pisikalan na laro ang paghaharap muli ng Oklahoma City Thunder at Golden State Warriors pero namayani pa rin ang huli sa score na 111-95.

Nanguna sa panalo sina Klay Thompson na may 34 points at si Stephen Curry na nagtala ng 23 points para sa kanilang ika-apat na sunod na panalo.

Habang natuldukan naman ang limang sunod-sunod na panalo ng Thunder.

Naging agaw atensiyon ang mainitang banggaan ng mga players kahit hindi naglaro ang dating Thunder player na lumipat sa Warriors na si Kevin Durant (knee injury).

Ikalawa na itong pagkakataon na bumisita ang Warriors sa Oklahoma.

Bago ang half time ay nagkatulakan sina Curry at ang Thunder player na si Semaj Christon bunsod upang patawan and dalawa ng technical fouls.

Maging ang Oklahoma (40-30) star na si Russell Westbrook at Golden State’s (56-14) Draymond Green ay may technical fouls din.

Minalas pa sa kanyang shooting si Westbrook na kung sa una nilang harapan ay may 47 points ngayon naman ay nakapagbuslo lamang ito ng 15 points o 4-out of 16 attempts.