-- Advertisements --

Tinapos na ng Golden State Warriors ang 5-game losing streak nito, matapos talunin ang Houston Rockets ngayong araw, Disyembre 6, 99 – 93.

Nagawa ito ng Warriors sa kabila ng hindi paglalaro ng dalawang superstar ng koponan na sina Stephen Curry at Draymond Green.

Maalalang dating No. 1 sa Western Conference ang GS kasunod ng 12 – 3 na kartada ngunit dumanas ito ng limang magkakasunod na pagkatalo sa nakalipas na dalawang lingo, bago ang naging laban sa Rockets.

Pinangunahan ni Jonathan Kuminga ang GS at nagpasok ng 33 points sa kabuuan ng laban. 23 points at 9 rebounds naman ang naging ambag ng dating No. 1 overall pick na si Andrew Wiggins.

Nagpakita naman ng solidong depensa ang sophomore na si Brandin Podziemski na kumuha ng 12 rebounds habang 11 rebounds din ang ambag ng beteranong si Kevon Looney.

Maliban kina Wiggins at Kuminga, wala nang ibang Warriors player na gumawa ng double-digit scores.

Sa Rockets, limang players nito ang gumawa ng double-digit scores ngunit hindi rin umubra para patumbahin ang GS.

Ang panalo ng GS ay sa kabila rin ng solidong depensa ng Rockets. Gumawa kasi ng siyam na blocks ang naturang koponan habang tatlo lamang ang naiganti ng GS. Siyam na steal rin ang ginawa ng Houston habang lima lamang ang kasagutan ng winning team.