WASHINGTON, America – Naipanalo ng Golden State Warriors ang dikdikang laro sa kalaban nilang koponan na Minnesota Timberwolves ngayong araw na tinapos sa iskor na 114-106.
Kung saan, pinangunahan ito ng NBA star na si Stephen Curry sa ginawa niyang malaking puntos na 30, kasama ang pagkuha pa ng 4 rebounds at 8 assists.
Sinundan naman siya nina Buddy Hield sa ipinamalas nitong 27 points at 20 points naman kay Jonathan Kuminga.
Gayunpaman, hindi naging madali para sa Warriors ang naging laban sapagkat simula pa lamang ng laro ay nilamangan agad sila ng Timberwolves na nagpatuloy hanggang 2nd quarter.
Pagdating ng ikatlong quarter, nabaliktad ang ikot ng bola dahil sa nakuha ng GSW ang kalamangan na sinundan pa ng steal at pagpasok ng 3 points ni Buddy Hield.
Bagama’t nabago man ito ng koponan, hindi nagpatinag ang Minnesota sa ginawa nitong pagpasok ng mga puntos bilang sagot sa pagkakabawi ng kalamangan.
Matatapos na sana ang pangatlong quarter sa tie-score na 90 ngunit ginulat naman ni Stephen Curry ang lahat sa ipinasok niyang basket mula sa malayong linya ng 3 points.
Nagpatuloy ang bakbakan hanggang 4th quarter sa sunod-sunod na salitang paggawa ng puntos ng dalawang team.
Ngunit sa huli, nakakuha ng magandang tyempo ang Warriors sa pagpasok nito ng ilan pang puntos na nagdulot upang hindi na makahabol pa ang Timberwolves.