-- Advertisements --

CEBU CITY – Itatayo ng lokal na pamahalaan ng Cebu ang isang Wastewater treatment facility upang matugunan ang mabahong amoy dulot ng untreated water sa City jail sa Brgy. Kalunasan nitong lungsod ng Cebu.

Naging alalahanin na kasi ito ng mga bilanggo at ng mga kalapit na residente sa lugar sa loob ng maraming taon.

Matatandaan na noong 2018 ay nakatanggap ng reklamo ang Cebu City Environment and Natural Resources Office mula sa mga residente sa lugar hinggil sa walang humpay na masangsang na amoy mula sa jail facility, na binabanggit ang mga panganib sa kalusugan at kapaligiran sa mga preso at residente.

Ang naturang pasilidad ay inaasahang maging solusyon para maiwasan ang panganib sa kalusugan at kapaligiran at ang simula ng pagiging odor-free ng nasabing barangay.

Isinagawa ang groundbreaking noong Huwebes, Pebrero 13, kung saan binibigyan ng 510 araw ang kontraktor para tapusin ang proyekto.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Jail Chief Supt. Neil Avisado, direktor ng Bureau of Jail Management and Penology-7, ang kahalagahan ng wastong pamamahala ng wastewater para matiyak ang kalusugan, dignidad, at makataong kalagayan ng pamumuhay.

Sinabi pa ni Avisado na nagiging hamon sa kalinisan ang siksikan at limitadong resources ngunit sa pamamagitan pa ng itatayong pasilidad ay maaaring asahan ang isang mas malinis na paligid at mabawasan ang mga panganib sa kalusugan na mapakinabanagan ng mga persons deprived of liberty at mga tao sa lugar.

Idinagdag pa nito na hindi lamang isang pamumuhunan sa imprastraktura ang proyekto kundi isang pamumuhunan din sa kapakanan ng publiko.