Malaki umano ang maitutulong ng tamang pagtatapon ng basura upang maiwasan ang pagbaha.
Ito ang sinabi ni 1Rider Partylist Representative Rodge Gutierrez bilang tugon sa banta ng paparating na La Niña at sa ginawang pagpupulong ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at iba’t ibang ahensya ng gobyerno kamakailan.
“Ang takeaway po talaga sa meeting is that whole-of-nation approach talaga ito. It doesn’t rely only on your national government, it cannot be solely relied on yung mga programs and projects while we are anticipating, of course, the impending crises that come with floods,” ani Gutierrez.
Isa sa tinalakay sa pulong ay ang tamang pagtatapon ng basura bilang pangunahing solusyon upang maiwasan ang pagbaha sa mga lansangan.
“It seems to be the primary concern po ng ating MMDA, ang pagtapon ng ating mga basura, malaki po yung epekto nito,” ayon kay Gutierrez.
Tinalakay din ang pagbibigay atensyon sa magkakaugnay na programa ng pamahalaan upang mapahina ang mga posibleng epekto ng inaasahang La Niña.
Isa sa halimbawa, ayon kay Gutierrez, ay ang mas maigting na pagkilos at pagtutulungan ng DPWH at MMDA sa pagtugon laban sa baha upang hindi na maulit ang insidente tulad ng nangyari sa NLEX, kung saan binaha ang halos kabuuan ng expressway dahil sa malakas na pag-ulan.
Binanggit din sa talakayan, ang pakikibahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng TUPAD program para sa paglilinis at pagtatanggal ng bara sa mga daluyan ng tubig o mga drainage.
“Kasi isa pong nakikita ng MMDA, the reason for flooding, although much-improved na po yung Metro Manila, ang isang problema po dito ay yung ating drainage system palaging naka-clog po ng basura,” ayon sa kongresista.
Bukod sa TUPAD, maaari rin umanong makatulong sa flood mitigation projects ang Out-of-School Youth Serving Towards Economic Resiliency (OYSTER).