Pinuna ng historical body ng Pilipinas ang watawat ng bansa na nasa banner na ginamit ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nilagyan ng mga desinyo.
Ipinunto ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na ito ay labag sa batas.
Sa ibinahaging post ng komisyon, makikita ang watawat ng Pilipinas na nilagyan ng larawan ng agila at may mga nakasulat na mga salitang “We stand with PRRD” at “Bring him home”.
Bagamat hindi malinaw ang eksaktong lugar kung saan naispatan ang naturang banner, may nakasulat dito na mula ito sa “Australia Wangaratta Community”.
Ayon sa NHCP, nakasaad sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 8491 o “Flag and Heraldic Code of the Philippines” section 39 (F), ipinagbabawal ang pagdaragdag ng anumang salita, figure, marka, larawan, desinyo, drawings, advertisement o pag-imprinta ng anumang nature sa National flag.
Kaugnay nito, iginiit ng komisyon na ang watawat ng Pilipinas ay simbolo ng pagka-Pilipino at ng ating bansa kayat dapat aniya itong bigyan ng mataas na respeto.