Isinisisi ng ilang mga health officials sa Los Angeles ang nangyaring ilang selebrasyon at ginawang party ng mga fans kaya tumaas bilang ng mga bagong nahawa sa coronavirus.
Ang ginawang pagbubunyi ay bahagi ng selebrasyon matapos na magkampeon ang Lakers team sa NBA finals.
Ayon sa Los Angeles County Department of Health ang ginanap na mga watch parties at mga pagtitipon matapos na masungkit ng Lakers ang kampeonato noong October 12 ay maaari umanong kabilang sa naging dahilan sa paglobo ng COVID cases.
Sinasabing ang Los Angeles County ay nag-a-average ngayon ng 1,200 na mga bagong kaso.
Bunsod nito umakyat na sa 7,000 ang death toll sa Los Angeles at mahigit naman sa 300,000 ang kabuuang mga nagkasakit.
Nangangamba naman ngayon ang mga health officials na kapag nagkampeon pa ang Los Angeles Dodgers sa Miyerkules sa World Series sa baseball, tiyakang walang humpay na naman ang selebrasyon na gagawin ng mga fans.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng LA Dodgers (3-2) laban sa karibal na Tampa Bay Rays.