KALIBO, Aklan – Kinansela muna ng Philippine Coast Guard (PCG) sub-station sa Boracay ang lahat ng water sports activities sa isla bunsod ng Bagyong Hanna.
Kaugnay nito, naglagay sila ng red flag sa Bolabog area sa back beach na senyales ng pagsuspinde ng lahat ng uri ng aktibidad sa lugar.
Kabilang dito ang pag-swimming, sea sports at island hopping.
Pero sa pinakahuling abiso ng PCG, balik na sa normal ang operasyon ng motorbanca papasok at palabas ng Boracay na inilipat sa Tambisaan-Tabon port, subalit muli umanong magpapalabas ng suspension order kapag lalo pang lumakas ang hanging habagat at alon.
Tuloy na rin ang biyahe ng Ro-Ro vessels papuntang Batangas at Mindoro port, habang pansamantalang kinansela ang biyahe ng mga bangka papuntang Hambil at Sta. Fe sa Romblon.
Apat na bayan naman sa Aklan kasama ang Makato, Numancia, Altavas at Nabas, ang nagsuspinde ng klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan dahil sa masamang panahon.