-- Advertisements --

Dahil sa patuloy na pagtaas ng forecasted heat index, ipapatupad ang ‘water break’ sa Central Visayas Regional Athletic Association (CVIRAA) Meet na opisyal ng binuksan kahapon, Marso 11, sa Bayawan City Negros Oriental.

Sa ilalim nito, ibinahagi ni Department of Education-7 Director Dr. Salustiano Jimenez na walang nakaschedyul na mga laro sa open areas mula alas 10 ng umaga hanggang sa alas 2 ng hapon.

Sinabi pa ni Jimenez na ito’y bilang hakbang para matiyak ang kaligtasan ng mga atleta, coaches, guro at mga officials at oras din para makapagpahinga ang mga ito.

Pinaalalahanan din nito na kailangan ng delegasyon at mga atleta na laging magdala ng lalagyan ng tubig para regular na makakainom ang mga ito ng tubig.

Dagdag pa nito na hindi lamang isang diskarte ang kanilang kinikilala upang matugunan ang isang problema kundi ilang mga diskarte at estratehiya na aniya’y nakasalalay sa sitwasyon at lokasyon.

Sa naging eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PLt Col Joeson Parallag, Chief of Police ng Bayawan City Police station,tiniyak nito ang publiko na magiging ligtas ang lahat ng mga aktibidad at kaganapan sa naturang regional sporting event.

Sinabi ni Parallag na aabot sa halos 400 tauhan ng pulisya ang ipapakalat para magpatupad ng seguridad.

Bukas din 24/7 ang kanilang command center na handang tumugon sa mga tawag para sa lahat ng pangangailangan at reklamo ng mga billeting quarters at mga atleta.