-- Advertisements --
KALIBO, Aklan – Nakatakdang ipatawag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pamunuan ng isang water concessionaire sa isla ng Boracay makaraang matuklasang nagpapalabas ito ng maruming tubig sa ilalim ng dagat.
Batay sa isinagawang inspeksiyon ng DENR, may mataas na coliform level ang tubig na lumalabas mula sa outfall ng Sewage Treatment Plant (STP) ng Boracay Tubi System sa Bolabog beach.
Dagdag pa rito, lumabas umano sa pagsisiyasat ng ahensiya na hindi ligtas sa tao ang tubig-dagat kung saan naroon ang malaking tubo ng nasabing water concessionaire.
Kaugnay nito, nakatakdang ipatigil ng ahensiya ang operation ng STP ng Boracay Tubi System at maaaring patawan ito ng karampatang multa.