Sigurado umanong magbabawas pa lalo ng supply ng tubig para sa Metropolitan Water Works and Sewerage System (MWSS) na makakaapekto sa dalawang concessionaires sa Metro Manila simula ngayong araw.
Ito ay kasunod na rin ng abiso ni National Water Resources Board (NWRB) Executive Director Sevillo David Jr. na dumausdos na kagabi sa “critical level for domestic use” sa 160-meters ang antas ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan.
Nitong nakalipas na Biyernes, nasa 160.28 meters pa ang lebel ng tubig sa Angat Dam at ngayong Sabado ay maaabot na nito ang critical level.
Sinabi ni David na kung bumaba na sa 160 meters ang level ng tubig, ang alokasyon na 40 cubic meters per second ay gagawin na lamang 36 cubic meters.
Ang pagbawas ng supply para sa MWSS at concessionaires ay magreresulta naman sa mas matagal at malawak na water service interruptions.
Iniulat naman ngayong umaga ni Jennifer Rufo ng Maynilad, aabot na sa 20 oras ang water interruption sa ilang lugar at ang pinakaapektado ay ang bahagi ng Cavite.
Halimbawa na lamang ng bagong rotational water interruptions sa ilang lugar sa lungsod ng Maynila sa pagitan ng 4:00PM hanggang 7:00AM. Araw-araw din sa ilang lugar sa Quezon City ay mawawalan ng tubig sa pagitan ng 4:00PM at 8:00AM. Ang kompletong listahan ng mga lugar ay makikita sa advisory ng Maynilad o sa hotlines na: 1626, Cavite:1800-1000-92837.
Ipinaalala naman ni Jeric Sevilla na ang mga nasasakupang lugar ng Manila Water ay aabot sa 12 hanggang 17 oras ang mawawalan ng tubig.
Halimbawa na lang ang ilang barangays ng Makati na may oras na walang tubig mula 4:00PM hanggang 5:00AM, sa Mandaluyong City ay may schedule din halimbawa ng 12:00PM hanggang 10:00AM next day na walang tubig. Makikita ang mga lugar at detalye ang water interruptions sa advisories at social media accounts nila. (Customer service hotline: 1627 /24 Hours)
Nauna na ring sinabi ng mga ahensya ng gobyerno na posibleng madagdagan lamang ang suplay ng tubig sa Angat Dam sa Hulyo.
Patuloy din naman ang paalala ng mga otoridad sa mga kunsumidores na magtipid at maging responsable sa paggamit ng tubig.