Posible umanong bumalik na sa normal operation ang Angat Dam sa huling bahagi ng Hulyo, 2024.
Batay sa projection ng state weather bureau, maaaring aabot na sa 191.37 meters ang lebel ng Angat bago matapos ang hulyo dahil na rin sa inaasahang mga malalakas na pag-ulan.
Sa kasalukuyan kasi ay nasa 175.55 meters lamang ang lebel ng Angat.
Ito ay halos limang metrong mas mababa kumpara sa minimum operating level na 180 meters.
Ayon sa state weather bureau, para maabot ng Angat Dam ang normal-high water level na 210 meters ay kinakailangan ng 1,144 millimeters ng biglaang mga pag-ulan.
Maalalang dahil sa pag-iral ng El Niño o labis na kawalan ng tubig-ulan ay labis na bumaba ang tubig ng Angat Dam.
Sa kabila rin ng mga pag-ulan matapos ang pag-iral ng tag-tuyot ay nahirapan pa rin itong makapag-ipon ng tubig.
Umaasa ang ahensiya na tuluyan na rin itong makakarekober mula sa epekto ng tagtuyot lalo na at ang naturang dam ang nagsusuply ng hanggang 90% sa pangangailangan ng mga konsyumer ng Metro Manila, maliban pa sa panganagilangan ng mga magsasaka sa ilang probinsya sa Central luzon.