-- Advertisements --

Umabot na sa critical level nitong araw ang water level sa Angat Dam.

Batay sa 6 a.m. update ng PAGASA, ang lebel ng tubig sa naturang dam ay bumaba sa 179.97 meters (m) above the sea.

Mababa na ito kompara sa minimum operating level nito na 180 meters.

Noong Biyernes, Abril 26, nagpaalala ang National Water Resources Board (NWRB) sa publiko na magtipid ng tubig lalo pa at inaasahang aabot sa critical level ang tubig sa Angat Dam.

Sa nakalipas na 50 taon, umaasa ang Metro Manila sa Angat Dam bilang main source nito ng tubig.

Ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System, 96 percent ng tubig na ginagamit ng Metro Manila ay mula sa Angat Dam, tatlong porsiyento ang nagmumula sa Laguna Lake, at tanging isang porsiyento naman sa mga deep-well.

Nauna na ring sinabi ng NWRB na mababawasan ang alokasyon sa mga irigasyon mula Angat Dam simula Mayo 1 dahil magsisimula na rin namang aani ng kani-kanilang mga pananim ang mga magsasaka.