KALIBO, Aklan—Pansamantalang kinansela ang mga water sports activities sa isla ng Boracay dahil sa malakas na alon at masamang panahon dala ng bagyong Betty na nagpapaulan sa malaking bahagi ng Philippine Area of Responsibility.
Ayon kay Sr. Chief Petty Officer Dominador Salvino ng Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan na maliban sa mga water sports activities ay kanselado rin ang biyahe ng mga pampasaherong sakayang pandagat papuntang Romblon.
Minabuti aniya nilang ibawal ang mga water sports activities upang hindi malagay sa panganib ang buhay ng mga turista sa isla.
Sa kabilang dako, kahit walang suspension order, muling inilipat sa Tabon-Tambisaan Port vice versa ang operasyon ng mga motorbanca na naglalayag sa Boracay mula sa Caticlan – Cagban port dahil sa habagat.
Kaugnay nito, tiniyak ng PCG-Aklan na kaagad din silang magpapalabas ng panibagong sea travel advisory na magdedepende sa weather condition.