KALIBO, Aklan—Nananatiling kanselado ang mga water sports activities sa isla ng Boracay dahil sa inabisong gale warning na nagdulot ng malalaking alon at malakas na hangin dala ng bagyong Goring.
Ayon kay Sr. Chief Petty Officer Dominador Salvino, deputy station commander for operations ng PCG-Aklan na maliban sa mga water sports activities ay kanselado rin ang biyahe ng mga pampasaherong sakayang pandagat patawid ng Hambil port gayundin sa San Jose at Sta. Fe port sa Romblon.
Kaugnay nito, may mga na-stranded na pasahero ang nakatambay sa pantalan sa Caticlan, Malay, Aklan.
Wala namang kanselasyon ng biyahe ng mga roro vessel papuntang Mindoro port at mga motorbanca patawid naman ng isla ng Boracay.
Tiniyak naman ng PCG-Aklan na nakahanda ang kanilang mga kagamitan lalo na ang mga floating assets upang magresponde sa mga local government units na mangangailangan ng kanilang tulong dahil sa masamang panahon.