KALIBO, Aklan—Pansamantalang sinuspinde ang mga water sports activity na alok ng mga establisyimento sa isla ng Boracay.
Ayon kay Malay Tourism Officer Mr. Felix Delos Santos, ito ay matapos na isinailalim ang barangay Balabag sa enhanced community quarantine habang inilagay naman sa surgical lockdown ang Zone 1 at 7 ng barangay Manocmanoc sa nasabing isla sa loob ng 14 na araw.
Maliban dito, ipinagbawal rin aniya ang mga bar hopping at iba pang nakasanayan na aktibidad at mga expectations na gagawin sana ng mga turista sa pagtawid ng mga ito sa tanyag na isla.
Nilinaw naman nito na may options silang ibinigay sa mga stranded na turista lalo na ang may mga early bookings sa mga apektadong establisyimento.
Ikinalungkot rin nito ang kasalukuyang sitwasyon sa muling pagkalugmok ng tourism sector matapos na bumagsak sa 22 ang bilang ng mga turista na pumasok sa isla lalo na sa nakaraang holy week kung ikumpara noong mga nakaraang taon na halos fully book ang mga hotels at resorts.
Sa kasalukuyan, ang bayan ng Malay ay nakatala na ng 153 na kaso ng coronavirus disease o Covid-19 kung saan, 90 dito ang aktibong kaso o nagpapagaling pa sa nasabing deadly virus habang isa naman ang nasawi.