KALIBO, Aklan – Nangangamba sa ngayon ang water sports association na lubusang mawalan ng kita kasunod ng biglaang pagbagsak ng turismo sa isla ng Boracay dulot ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease.
Ayon kay Boracay wats association president Russell Cruz, nasa 60 porsyento ng kanilang income ang nawala kasunod ng pagkaroon ng outbreak sa China ng 2019 nCoV at kumalat pa sa ibang bansa.
Ang ilang grupo aniya ay nawalan ng 600 customers bawat araw dahil ilan na lamang ang mga turista na bumabakasyon sa isla sa takot na mahawaan ng 2019 nCoV kahit tiniyak ng Department of Health (DOH) na wala pang kumpirmadong kaso ng nasabing sakit sa lalawigan ng Aklan.
Balak umano nila ngayon na bawasan ang araw ng trabaho ng kanilang manggagawa upang mabawasan rin ang kanilang gastos gayundin upang walang mapaalis sa mga ito.
Sa kabilang dako, tiniyak ni Provincial Health Officer II Dr. Cornelio Cuachon, Jr. na naka-hightened alert na ang Caticlan at Kalibo Airport gayundin ang mga pantalan sa lalawigan bilang precautionary measures laban sa nakakamatay na Wuhan coronavirus.
Nakikipag-ugnayan din ang PHO-Aklan sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Bureau of Quarantine (BOQ) upang mabusising ma-check ang lahat ng mga pasahero mula sa ibang bansa.
Sa kasalukuyan, dalawa na ang naitalang kumpirmadong kaso sa Pilipinas kung saan, isa rito ang namatay dahil sa nasabing respiratory virus.