Inatasan na ng Philippine Red Cross (PRC) chairman at chief executive officer na si Sen. Richard Gordon ang pagpapadala ng maraming water tanker at water bladder para sa mga kababayan natin sa Siargo na isa sa mga lubhang sinalanta ng Bagyong Odette.
Ito’y sa kabila ng patuloy na pakikipagsapalaran ng nasabing isla matapos ang iniwang pinsala ng kalamidad.
Sa isang statement, sinabi ng senador na bago pa man pumasok ang bagyo sa Pilipinas ay puspusan na ang kanilang paghahanda para sa mga posibleng maaapektuhan nito.
Ani Gordon, sa ngayon ay ang higit na kinakailangan ng mga tao sa isla ay ang malinis na tubig dahil ang kawalan nito ay maaaring magdulot ng mas pagkalat ng iba’t ibang uri pa ng mga sakit.
Ayon pa sa PRC chair, kung hindi ito agad na mabibigyan ng kaukulang aksyon ay magmimitsa ito ng posibleng pagtaas pa ng husto ng bilang ng mga nasasawi sa lugar.
Bukod dito ay naglagay din ng water treatment system at nagtatag pa ng mga put-up shop ng PRC sa San Isidro, kung saan matatagpuan ang water production site ng isla.
Patungo na rin aniya ang mga fully operational medical tents sa Siargao na may mga higaan at mga gamot na pamamahalaan ng mga trained voluteers ng PRC kasama ang mga doktor, nurses, at iba pang medical allied personnel.
Dagdag pa ng opisyal, magtatatag din ng water collection points ang Red Cross sa buong isla sa pamamagitan ng ilang water bladder na magbibigay-daan para sa mga residente na mangolekta ng tubig gamit ang “jerry cans” na ipamamahagi din ng ahensya.
Sa kasalukuyan ay mayroon ng dalawang water tankers, water treatment system, at mga food truck sa isla ng Siargao upang masiguro na ang pamamahagi ng malinis na tubig at mga pagkain para sa mga residente rito.