Ibinahagi ng WBA Asia Super Featherweight champion na si Charly Suarez ang kanyang mga plano matapos ang matagumpay nitong pagdepensa sa unang pagkakataon ng kanyang titulo kontra kay Mark John Yap. Pinag-uusapan na umano ng kaniyang team ang susunod na laban nito sa Oktubre ng kasalukuyang taon.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa 33-year-old Pinoy boxer, sinabi nito kung gaano kahalaga sa kaniyang boxing career ang kaniyang panalo, at nagpasalamat din ito dahil wala silang natamong malubhang sugat mula sa laban.
“Mahalaga po [ang katatapos na laban ko], dahil ito po ay isang hakbang para maabot natin ang aim na makaabot sa world ranking at makalaro ng title fight o kaya ng World Championship bout.”
Maalala na nagtapos ang laban ng boxer sa pamamagitan ng unanimous decision kung saan nagbigay ng scores na 120-108, 120-108 at 118-110 ang judges na lahat ay pabor kay Suarez.
Sa kasalukuyan, malinis ang record ni Suarez kung saan meron na itong 12 panalo, 7 knockouts at hindi pa nakakalasap ng pagkatalo.
Matatandaan na dahil sa patuloy na pagbibigay ni Suarez ng karangalan sa bansa, ito ay nabigyan ng Meritorious Achievement Medal Award at promosyon mula naman sa Philippine Army.