Mananatili pa rin umano sa kamay ni Sen. Manny Pacquiao ang hawak nitong WBA “super” welterweight title sakaling matuloy ang pinaplantsang pagtutuos nila ni UFC star Conor McGregor sa susunod na taon.
Ayon sa kampo nina Pacquiao at McGregor, magiging exhibition lamang ang sagupaan at posibleng gawin sa timbang na mas mataas sa 147 pounds.
Sa kasalukuyan, walang mandatory challenger si Pacquiao sa kanyang hawak na titulo.
Una nang sinabi ni Jake Joson, special assistant kay Pacquiao, posibleng gawin ang bakbakan sa Middle East sa susunod na taon, kung saan ang kikitain ay mapupunta sa COVID-19 response sa Pilipinas.
“Our beloved Senator doesn’t want to talk about boxing since we are in the middle of the pandemic and this is not the right time for it,” wika ni Joson. “His main focus right now is to help here and there, providing relief, shelter, money and food, among other necessities.”
Maaalalang huling nakipagbasagan ng mukha si Pacquiao sa ibabaw ng lona noong Hulyo 2019 kung saan nagapi nito ang dating walang talong si Keith Thurman sa Las Vegas at maagaw ang WBA 147-pound title. (WBN – World Boxing News)