-- Advertisements --

Paborito pa rin umano ng mga eksperto sa Amerika at mga mananaya na mapapanatili ni WBC featherweight world champion Gary Russell Jr ang kanyang korona laban sa Pinoy challenger at undefeated na si Mark “Magnifico” Magsayo.

Ayon sa mga sugarol sa Amerika, aakyat daw bukas ng ring ang 33-anyos na longest champion na si Russell na liyamado bilang 3-1 favorite.

Ito ay sa kabila na dalawang taon din na wala itong laban at merong itinatago umanong injury.

Ang dating Olympian na si Russell Jr ay kilala sa talino at galing. Napakabilis magpakawala ng suntok ang mga kamay at maliksi pa ang footwork.

Pero, hindi nababahala rito si Magsayo.

Kung sa akala raw ng kampeon ay makupad siya, gugulatin niya ito.

Inamin din ng undefeated Pinoy boxer na pinaghandaan nila ng husto ng Hall of Famer trainer na si coach Freddie Roach kung paano ang gagawing diskarte.

Kabilang daw sa itinatagong alas ni Magsayo ay ang kanyang bagong istilo na speed-punching upang i-counter ang mala-makina sa bilis na mga kamay ni Russell.

Kabilang pa sa bentahe ni Magsayo ay mas bata sya, mas matangkad at mas mahahaba ang kanyang mga braso.

Kung maalala, kaninang umaga ay kinailangang magdyeta ng husto ni Russell matapos na mag-overweight sa unang pagsalang nito sa timbangan bago tuluyang pumasa sa 126 pounds limit.