Target ng new WBF International Minimumweight Champion na si Lito “Naruto” Dante na lumaban ng world title match matapos nitong talunin sa pamamagitan ng technical knockout sa fourth round ng laban ang Cebuano boxer na si Clyde Azarcon. Ito pa lamang ang ikalawang laban ni Dante magsimula ang pandemya.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa 32-year-old Bohol native boxer, ibinahagi nito kung paano niya pinaghahandaan ang kanyang bawat laban at sinabi rin nito kung sinong boksingero ang pangarap nitong makalaban.
“Ang pinakamahalaga sa akin, kapag nakabalik na ako sa world ranking, ang mga champion ng WBC, WBO, IBF at WBF [ang gusto kong makalaban]. Baka sakali ako ang kukunin na mag-challenge sa belt nila. Naka-ready akong lumaban sa kanila. Pangarap ko talaga na maging world champion kaya pinasok ko ang pag-boboxing.”
Matatandaan na impresibo ang ipinakita ng Pinoy boxer kung saan sa nakalipas na kanyang tatlong laban ay puro knockout ang kanyang mga naging katunggali kasama na dyan ang pagpapabagsak nito sa undefeated Japanese boxer na si Tsubasa Koura, at tinanghal ito bilang Oriental and Pacific Boxing Federation champion.
Sa kasalukuyan, si Dante ang nangunguna sa Minimumweight division sa Pilipinas habang pang-labingdalawa naman ito sa Asya. Meron na rin itong 19 na panalo, 11 talo at 4 na draws sa kanyang boxing career.