-- Advertisements --

PASAY CITY – Personal na nanood si three-division world champion at reigning WBO Bantamweight king John Riel “Quadro Alas” Casimero sa laban ng mga Pinoy boxers sa PICC Forum nitong araw kaugnay ng nagpapatuloy na 30th Southeast Asian Games.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni Casimero na gusto niyang magbigay inspirasyon sa mga kababayang boksingero na kasalukuyang lumalaban para sa bansa.

Bumilib si Casimero sa ipinapamalas na galing ng mga Pinoy boxers at nakikita niyang malayo pa ang mararating ng mga ito.

Kahit natalo ang iba sa mga Pinoy boxers sa SEA Games, naniniwala ang tinaguriang Quadro Alas na may matututunang mga mahahalagang bagay ang mga ito upang maging mahusay pa sa kanilang larangan.

Payo ng kampiyon sa mga kapwa boksingero na huwag lamang sumuko ang mga ito at magsumikap pa lalo sa kanilang pag-eensayo.

Mababatid na pinatulog ni Casimero ang dating world champion na si Zolani Tete sa ikatlong round pa lamang ng kanilang laban sa Birmingham, England noong Sabado upang maagaw ng Pinoy ang Bantamweight crown ng African boxer.

Sa ngayon ay ikinukunsidera ng kampo ni Casimero ang posibilidad na magkaroon sila ng unification bout ni Japanese WBA/IBF champion Naoya Inoue o WBC champion Nordine Ooubali ng France. (By: Bombo Donnie Degala)