Unti-unti nang babawasan ang sparring session ni Senator Manny Pacquiao habang nalalapit na ang kanyang big fight sa July 21 kontra kay Keith Thurman.
Ayon kay Hall of Famer coach Freddie Roach matapos ang pinakamataas na 12 rounds sparring session nitong nakalipas na araw, sa mga susunod naman ay magiging walo na lamang.
Babawasan pa raw ito ng anim na rounds hanggang sa four rounds.
Halos maabot na kasi ni Pacman ang peak ng kanyang conditioning.
Sinabi na rin sa Bombo Radyo ng ilang miyembro ng Team Pacquiao, na pinaghihinay hinay na nila ang fighting senator lalo na sa pagtakbo upang hindi ma-burnout sa kanyang workout.
Kampante naman si Roach sa kondisyon ni Manny pagdating sa patagalan ng laban kung sakali.
Magagamit aniya ng kahit 40-anyos na fighting senator ang resistensya kung magdesisyong tumakbo ang undefeated American champion.
Muli namang bumuwelta ng kantiyaw si Roach sa pagsasabing magaling na boksingero si Thurman pero sa huling tatlong laban daw nito ay lalo raw itong naging “worse” boxer.
Kumpiyansa ring sinabi ng veteran trainer na mananaig pa rin sa huli si Pacman pero hindi magiging madali ang laban.