-- Advertisements --

Inanunsyo na ni New Zealand Prime Minister Jacinda Ardern ang pagbabawal sa lahat ng military style semi-automatic weapons kasunod sa nangyaring insidente sa Christchurch, New Zealand.

IMAGE © SKY NEWS

Nagbigay babala rin ito sa mga dealers na i-surrender na ang ganitong uri ng mga armas.

Naglunsad din si Ardern ng buy back scheme, kung saan babayaran nila ang mga taong magsasauli ng kanilang mga armas.

Magsasagawa rin umano ng pagpupulong ang New Zealand government upang pag-usapan ang mga idadagdag pang pagbabago sa batas patungkol sa pagkakaroon ng armas.

May karampatang parusa naman na ipapataw sa mga mahuhuling patuloy na nagmamay-ari ng ganitong uri ng armas matapos ipatupad ang pagbabawal na ito.

Dagdag naman ni New Zealand Police Minister Stuart Nash na may kapangyarihan ang otoridad na magpunta sa mga lisensyadong dealers at humingi ng records upang malaman kung sino ang mayroong ganitong baril.

Nilinaw ni Ardern na hindi sila sigurado kung ilang military style semi-automatic weapons ang mayroon sa kanilang bansa at ilan ang kailangan ibalik.

Gayunpaman, umaasa ito ng malawakang pagsuporta mula sa kanyang mga nasasakupan patungkol sa bagong batas na ito.

Sa kasalukuyan, tinatayang umaabot sa halos 1.2-1.5 million ang armas sa New Zealand.