Nanindigan si Senator Francis ‘Tol’ Tolentino na dapat gawing simple at madaling maunawaan ng karaniwang Pilipino ang weather advisories ng state weather bureau para mas makapaghanda ang mga komunidad sa mga paparating na bagyo.
Ayon kay Tolentino, buhay ang nakataya tuwing tayo ay hahagupitin ng bagyo kaya’t dapat lamang aniya na pasimplehin at ibaba sa lebel na mauunawaan ng masa ang mga ulat ng state weather bureau.
Iminungkahi ng senador sa ahensya na makipagtulungan sa linguistics experts ng Unibersidad ng Pilipinas, sa mass media, at mga eksperto sa komunikasyon para mas maunawaan ng karaniwang Pilipino ang mga ulat at abiso ng tanggapan.
Dagdag pa rito, isinusulong din ni Tolentino ang mahigpit na kooperasyon sa pagitan ng local government units (LGUs), gayundin sa pagitan ng pamahalaan at pribadong sektor para sa paggamit ng mga rekursong kailangan sa pagresponde sa mga sakuna.
Iminungkahi rin nya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na makipagtulungan sa mga pribadong construction firms para mas mabilis na makapagpadala ng heavy equipment, gaya ng backhoes at bulldozers sa mga sinalantang lugar. Ito’y para sa agarang paglilinis ng mga kalsada o tulay na nabarahan ng mga gumuhong lupa at bato, para naman makadaan ang rescue at relief teams.
Aniya, dapat ikonsidera ang naturang mga hakbang sa lalong madaling panahon, lalo na’t mas dumadalas at lumalakas ang mga bagyong dumadaan at nananalanta sa ating bansa.