Inilunsad ngayon ng Commission on Higher Education (CHED) ang isang online platform na naglalaman ng mga libreng learning materials oara sa mga mag-aaral at mga guro sa tertiary level.
Makikita sa digital platform na binansagang “CHED Connect” ang iba’t ibang learning materials tungkol sa alinmang mga topic, na maaaring ma-access sa iba’t ibang devices.
Ayon kay CHED Chairman Prospero de Vera, malaking tulong ito para sa mga estudyante at mga teachers sa mga kolehiyo at unibersidad lalo pa’t naghahanda ang sektor ng edukasyon sa tinatawag na new normal.
“It contains higher education course materials in text, media and other digital assets that are useful for teaching, learning and research purposes,” wika ni De Vera.
Sa ngayon, 16 na higher education institutions ang nag-ambag sa platform.
Sinabi pa ni De Vera, popondohan nila ang mga kolehiyo at unibersidad na bubuo ng sarili nilang learning materials base sa mga makikita sa PHL CHED Connect.
“For this school year, the commission will fund the development of content so that different faculty members and universities, after looking at the resources shared by our top universities, will start developing their own,” anang opisyal.
Tiniyak naman ng CHED ang kalidad ng mga content sa platform kung saan dadaan ito sa screening ng mga contributing schools, maging sa mga technical experts at mga opisyal ng komisyon.
Bagama’t inihayag ng opisyal na hindi masosolusyonan ng PHL CHED Connect ang lahat ng problema ng higher education sa bansa sa gitna ng pandemya, sinisiguro naman nito ang availability ng online resources.
Maaaring ma-access ang website sa: https://phlconnect.ched.gov.ph/home