Muling na-hack ang informations technology systems ng Department of Science and Technology kung saan tinamaan ang Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development (DOST-PCIEERD) noong nakalipas na huwebes.
Ayon sa executive director ng ahensiya na si Enrico Paringit, kinailangan nilang i-shut down ang kanilang website gayundin ang components ng kanilang IT systems para magsagawa ng assessment at maintenance.
Naglabas din ng abiso ang DOST na posibleng hindi laging available ng kanilang apektadong sistema kabilang ang Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development website, Project Management Information System at Capsule Proposal System mula Abril 26 hanggang Mayo 2.
Humingi naman ng paumanhin ang ahensiya sa abalang dulot ng pansamantalang shutdown.
Natukoy naman ang naturang hacker na HulkSec Philippines.
Samantala, sinabi ng opisyal na trinatrabaho na ng cybersecurity experts ng DOST ang pagbawi ng kontrol sa kanilang mga sistema at website.
Matatandaan na sa unang bahagi ng Abril, inatak din ng mga hacker ang IT system ng DOST na nakaapekto sa 3 websites.