-- Advertisements --

Gigil na gigil ang Mexican boxing superstar na si Saul “Canelo” Alvarez (51-1-2, 35 KOs) isang araw bago ang kanyang big fight kontra sa kampeon din na si Daniel “Miracle Man” Jacobs (35-2, 29 KOs).

Muntik na kasing mauwi sa rambulan ang ginanap na official weigh kanina nang biglang itulak ni Alvarez ng dalawa niyang kamay si Jacobs sa kanilang face off sa stage.

Dito na umawat ang kampo ng magkabilang panig upang pigilan ang paglala pa ng sitwasyon.

Minura ni Jacobs, 32, ng Brooklyn, New York, si Alvarez at dinuro dahil gumagamit daw ng gimik para ibenta ang kanilang laban sa mga fans na hindi naman niya gawain.

“It has never been my intention in my lead-up to any fight to sort of create this animosity to sell the fight or to bash my opponent,” ani Jacobs.

Nakataya bukas sa T-Mobile Arena sa Las Vegas sa gaganaping championship bout sa middleweight division ang dalawang korona ni Canelo na World Boxing Association at World Boxing Council.

Nagbanta naman si Alvarez, 28, na patutulugin niya sa ring si Jacobs na hawak ang International Boxing Federation belt.

Sa ginanap na pagtimbang may bigat si Canelo ng 159.5 pounds, habang si Jacobs ay nagtala sa 160 pounds.

Itinaon ang fight ng dalawa kasabay ng Mexico’s Cinco de Mayo weekend.

Inaasahan na namang bubuhos ang mga supporter Alvarez sa arena tulad nang talunin niya doon din sa lugar ang dating kampeon na si Gennady Golovkin sa pamamagitan ng majority decision noong Setyembre ng nakalipas na taon.

canelo jacobs 1
Saul Alvarez vs Daniel Jacobs (photo from @DAZN_USA)

Samantala, sinuman ang manalo bukas ay gagawaran din ng Mayan WBC belt.

Espesyal daw at mamahalin ang belt na kumakatawan sa 18 centuries ng Mayan culture.

Ang 5-feet-8 na si Alvarez ay sinasabing 4-1 favorite kontra sa 6-feet na si Jacobs kung pagbabatayan ang MGM Grand sports book.