-- Advertisements --

VIGAN CITY – Pinag-iisipan sa ngayon ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) president Monico Puentevella na magsilbing muli bilang chairman ng Philippine Olympic Committee (POC).

Ito ay kung hindi umano nito magustuhan ang mga kasama sa listahan na lalahok sa special elections na idaraos na sa darating na July 28, alinsunod sa utos mula sa International Olympic Committee (IOC).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Puentevella na sa ngayon ay nagmamasid o pinapakiramdaman muna umano nito ang mga kaganapan sa POC at kung kinakailangan na ito na ang tumakbo bilang POC Chairman upang maayos ang gusot sa asosasyon, ay gagawin umano niya ito dahil sa pagmamahal niya sa Philippine sports.

Idinagdag pa nito na nais muna niyang malaman kung anu-anong mga posisyon sa POC ang bakante, bago ito magdesisyon at bago sila magsagawa ng special elections na itinakda na mismo ng IOC.

Una rito, umapela ang dating POC Chairman sa Malacañang na makialam o manghimasok na sila sa isyu sa liderato ng POC dahil kung hindi umano maayos ito ay posibleng hindi na matuloy ang hosting ng Pilipinas sa ika-30 edisyon ng Southeast Asian (SEA) Games.