-- Advertisements --

Nakabalik na sa bansang Canada ang tone-tonelada nilang basura na itinambak sa Pilipinas sa loob ng mahigit anim na taon.

Batay sa ulat, isang cargo vessel lulan ang nasa 69 containers ng basura ang dumaong sa Deltaport sa Tsawwassen ferry terminal na bahagi ng Vancouver dakong alas-7:00 ng umaga (local time).

Ayon sa mga local officials, mananatili sa pantalan ang mga basurang nakasilid sa mga container bago ito sunugin sa isang waste-to-energy facility sa Burnaby, B.C.

Matatandaang dumating sa Pilipinas ang naturang mga basura noong 2013 at 2014 na idineklara ng Canadian company na Chronic Inc. bilang “plastic materials for recycling.”

Ngunit laking gulat ng mga otoridad na ang laman pala ng mga shipment ay pinaghalong mga papel plastics, electronics, at household waste, kasama na ang mga gamit na diaper.

Ilang mga container ng basura ang itinambak sa sanitary landfill sa Tarlac at sa Zambales.

Nitong Abril nang magbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na itatapon daw nito sa magagandang mga beaches ng Canada ang mga basurang itinapon nito sa bansa.

Nagbanta rin ang Pangulong Duterte ng giyera sa Canada sakaling mabigong kunin ng mga ito ang kanilang mga basura.

Ganap na nagpaalam sa Pilipinas ang sangkaterbang mga basura noong buwan ng Mayo.